753 na bus units, nabigyan ng special permits ng LTFRB upang matiyak ang maayos na biyahe para sa Undas 2024

Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 272 special permit sa mga bibiyaheng pampasaherong bus bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng biyahero kaugnay ng Undas 2024.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, ang ibinigay nila na 272 special permit ay para sa 753 bus na bibiyahe.

Maaari pa aniyang tumaas ang bilang dahil mas maraming operator ang nag-apply na kumuha ng special permit.


Ani Guadiz, ang mga special permit ay may bisa mula October 25 hanggang November 10, 2024.

Maaari ring magbigay ng karagdagang special permit ang LTFRB sakaling mangailangan ng karagdagang mga bibiyaheng bus ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Nakikipag-ugnayan na ang LTFRB sa mga bus operator upang matiyak na mayroong sapat na mga bus upang ma-accommodate ang inaasahang pagdagsa ng mga commuter.

Nag-deploy na rin ang ahensya ng mga tauhan upang subaybayan ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa pamasahe at upang tulungan ang mga pasahero sa mga terminal.

Facebook Comments