76-anyos babae, patay sa tuka ng manok

Isang babae sa Australia ang namatay matapos pagtutukain ng manok at mapuntirya ang varicose vein sa kanyang binti na nagdulot ng labis na pagdurugo.

Ayon sa nailathala sa journal na Forensic Science, Medicine, and Pathology, nangunguha lang daw ng itlog ang 76-anyos na babae sa kanyang bahay nang atakihin ng agresibong tandang ang kanyang kaliwang binti.

Nakuha pang humingi ng tulong ng ginang sa kanyang asawa ngunit hinimatay at kalaunan ay namatay ito dahil sa exsanguination o matinding kawalan ng dugo bago pa man dumating ang mister.


Lumabas sa autopsy na isa sa mga natamo niyang sugat ay tumama sa isang malaking varicose vain.

Ayon sa pag-aaral, karaniwan ay hindi delikado ang varicose veins, ngunit sa ilang bihirang kaso, maaari itong magdulot ng komplikasyon tulad ng pagdurugo.

Bihira ang insidente ng pag-atake ng manok ayon sa may-akda ng pag-aaral; patunay umano ito na maging ang maliliit na alagang hayop ay maaring magdulot ng nakamamatay na pinsala sa mga mayroong diperensya sa ugat.

Ipinapakita rin daw ng insidente kung gaano kahina ang mga nakatatanda.

Facebook Comments