77 BARANGAY NG BAYAMBANG, 100% KONEKTADO NA SA SERBISYONG TUBIG MULA BAYWAD

Ganap nang konektado sa serbisyong pantubig ng Bayambang Water District (BAYWAD) ang lahat ng 77 barangay ng bayan matapos ang pormal na pagbubukas at pagpapasinaya ng Pantol Water Pumping Station noong Disyembre 19, 2025.

Sa naturang pagpapasinaya, opisyal na naitala ang pagkamit ng 100 porsiyentong koneksyon sa suplay ng tubig sa buong bayan, na itinuturing na mahalagang hakbang tungo sa mas maayos at maaasahang serbisyong pantubig para sa mga kabahayan at establisyemento.

Naging posible ang ganap na koneksyon sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng mga programa ng BAYWAD, kabilang ang pagtatayo at paglalagay ng bagong water pumping station sa Barangay Pantol.

Layunin ng proyekto na mailapit ang ligtas at dekalidad na suplay ng tubig sa lahat ng mamamayan, lalo na sa mga lugar na dati ay limitado ang access sa serbisyong pantubig.

Binigyang-diin na mahalaga ang tuluy-tuloy na suplay ng tubig hindi lamang para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente kundi maging sa kalusugan, kalinisan, at pangkalahatang kaunlaran ng bayan.

Facebook Comments