78 Anyos na Lolo, Natagpuang Patay sa Loob ng Hotel

Abulug, Cagayan – Atake sa puso ang nakikitang dahilan ng pagkamatay ng isang matanda sa loob ng hotel kamakailan.

Sa ipinaabot na impormasyon ng PNP Abulug sa RMN Cauayan, nakilala ang lolo na si Andres Pascua Agpuldo Sr., residente ng Dona Loureta,Pudtol,Apayao.

Sa imbestigasyon, nabatid na pumasok sa hotel ang matanda noong Pebrero 6, ganap ala una kinse ng hapon.


Makalipas ang ilang minuto, sumunod naman umanong pumasok sa kwarto ang isang babaeng nakakapote at may suot na itim na helmet.

Ala una bente singko ng hapon, lumabas at nagpaalam pa umano sa receptionist ang babae na nagsabing susunod na lamang ang kanyang kasama.

Nang mapansing lampas na sa takdang oras ang matanda, kinatok na ito ng receptionist at nagpasyang pumasok makaraang walang sumagot mula sa loob ng silid.

Dito na napag-alamang hindi na gumagalaw ang matandang biktima na kaagad namang ipinagbigay alam ng may-ari ng hotel sa mga awtoridad.

Ayon sa mga pulis, wala umano silang nakitang bakas ng kaguluhan sa loob ng kwarto kung saan narekober ang cellphone at pera ng biktima.

Lumalabas naman sa pagsusuri ni Dr. Litamin A. Gonzalez, Municipal health officer ng Abulug, cardiac arrest o atake sa puso ang maaaring ikinamatay ng biktima na napag alaman ding nakasuot pa ng condom.

Facebook Comments