78% ng mga Pilipino sa buong bansa, suportado ang implementasyon ng ROTC; senador, tiwalang maisasabatas agad ang programa

Kumpyansa si Senator Sherwin Gatchalian na tuluyang maisasabatas ang panukalang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) matapos na lumabas sa isang survey na mayorya ng mga Pilipino ay suportado ang implementasyon ng programa sa kolehiyo.

Ang survey ay isinagawa ng Pulse Asia noong March 15 hanggang 19, 2023 kung saan tinanong ang mga adult Filipino respondents kung pabor sila na muling ipatupad ang ROTC sa tertiary level.

Lumabas sa resulta ng survey na 78% o halos walo sa sampung mga Pilipino ang suportado ang mandatory ROTC sa buong bansa.


Mayorya ng mga respondents na sang-ayon sa Mandatory ROTC ay sa Mindanao na may 95%, sinundan ng Visayas na may 80%, NCR na may 77 percent at Balance Luzon na may 72%.

Mataas din ang porsyento ng pagsuporta sa ROTC mula sa lahat ng socioeconomic classes kung saan 81 percent ng mga nasa Class ABC at D ay sangayon sa pagbabalik ng programa sa kolehiyo at 78% naman sa Class D.

Isa sa mga pangunahing dahilan sa pagsuporta ng mayorya sa mandatory ROTC ay sa paniniwalang mabibigyan nito ng tamang disiplina at magiging responsable ang mga kabataan.

Ayon kay Gatchalian, isa sa mga may-akda at sponsor ng ROTC Act, bunsod ng resulta ng survey ay malinaw ang boses ng mga kababayan sa pagsuporta at pagbabalik ng ROTC sa kolehiyo.

Kaya naman, hindi aniya nila titigilan ang pagsusulong ng panukalang Mandatory ROTC sa Senado hanggang sa maisabatas ito nang sa gayon ay maturuan ang mga kabataan ng disiplina, pagmamahal sa bayan at kahandaang tumulong lalo na sa panahon ng mga sakuna.

Facebook Comments