Naharang ng Globe ang humigit-kumulang 784 milyong spam at scam text messages mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon sa pamamagitan ng pinaigting na pagsisikap ng kompanya na masala ang mga mensaheng may masasamang hangarin.
Kasabay nito, na-deactivate din ng Globe ang 14,058 na mga mobile number na ginagamit sa panloloko at na-blacklist ang 8,973 na iba pa.
“Mayroon kaming koordinasyon sa mga partner namin sa industriya para maprotektahan ang publiko sa ganitong mga scam. Tuloy-tuloy din ang awareness drive namin para masiguro na ang aming mga kostumer ay hindi magiging biktima ng mga malisyosong aktibidad na ito na para bang personal silang kilala,” pahayag ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe.
Patuloy na pinag-iingat ng Globe ang mga tao laban sa tumataas na mga insidente ng mga scam text na nagpapanggap na galing sa mga lehitimong organisasyon. Sa isang bagong modus, nakalagay pa ang buong pangalan ng target na numero na inaalok ng mga pekeng trabaho, pera, papremyo, at iba pa.
Mayroong 24/7 na operasyon ang Globe para malabanan ang scam at spam messages. Naglagay rin ang kompanya ng mga filter para maharang ang mga kahina-hinalang pinanggagalingan ng mga mensahe gaya ng mga numero at domain na ginagamit sa nasabing modus.
Habang patuloy ang pagbubuo at pagpapalakas ng Globe sa kakayahan nito na pigilan ang mga cyber attacks sa imprastraktura ng kompanya at sa mga customer, mahalaga rin ang pakikiisa ng publiko para mapigilan ang paglaganap ng mga spam at scam messages.
“Hangga’t may mga tao na naniniwala at nagpapadaya sa mga alok na ito, hindi titigil ang mga text scam. Hinihikayat namin ang publiko na mag-ingat. Huwag i-click ang mga link o magbigay ng personal na impormasyon sa mga nagpapadala ng mga kahina-hinalang text messages mula sa ‘di kilalang numero. Huwag din basta-basta maniwala sa mga alok na papremyo at trabaho,” ani Bonifacio.
Kaya naman hinihikayat ng Globe ang mga subscriber na i-report agad sa Stop Spam portal ng Globe ang spam at scam messages na matatanggap nila.
Gayundin, maaaring i-set up ang spam filter kung gumagamit ng Android phone sundin lamang ang mga simpleng hakbang na ito:
- I-download ang “Messages” app ng Google
- Gawin itong default Android SMS messenger
- Pumunta sa Settings at i-enable ang Spam Protection
Sa pamamagitan ng #makeITsafePH campaign at Digital Thumbprint Program (DTP), patuloy na nagbibigay ang Globe ng karagdapang kaalaman sa mga tao tungkol sa responsableng paggamit ng Internet para maprotektahan ang kanilang sarili sa mga panloloko.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Globe, bisitahin ang www.globe.com.ph.