Pagsira ng mga Chinese militia vessels sa mga bahura sa Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea, posibleng makadagdag sa problema sa climate change

Nagbabala si Senator Francis Tolentino na makadaragdag sa problema sa climate change ang ginawang pagsira ng mga Chinese militia vessels sa marine resources ng Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon kay Tolentino, ang coral resources sa lugar ay mahalaga dahil ito ang nagsisilbing bahay ng mga isda para sa pagpaparami.

Bukod sa banta sa food security, ang corals din ang sumisipsip ng carbon emission para mabawasan ang green house gasses na nagdudulot ng sobrang pag-init ng mundo.


Sinasabi rin aniya ng mga eksperto na ang pagkasira ng mga bahura ay maaaring magresulta sa mas malalaking alon sa Palawan at wala na ring pipigil sakaling magkaroon ng malakas na tsunami.

Samantala, duda rin si Tolentino na posibleng panimula sa reclamation ang ginawang pag-harvest ng mga corals sa Rozul Reef.

Aniya, ang pagpatay kasi sa mga corals ay posibleng “prelude” o pambungad sa maaaring gawin na reklamasyon.

Iminungkahi naman ni Tolentino ang paghahain ng reklamo sa ginawa ng China sa pamamagitan ng arbitration court, sa International Court of Justice o sa International Tribunal for the Law of the Sea.

Facebook Comments