Nakumpiska ng mga tauhan ng Police Regional Office 12 (PRO -12) sa isang Chinese national ang 271 na kahon ng smuggled cigarettes sa kanilang isinagawang entrapment operation sa Barangay City Heights, General Santos City, kagabi.
Kinilala ang suspek na si Zai Tian Shi na naaresto sa Jerusalem St., Oringo Subdivision.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Region- 12 Spokesperson Lieutenant Colonel Lino Capellan, pasado alas -9:00 kagabi, nagpanggap na buyer ang isa sa mga pulis pero pagkatapos ng transaksyon, inaresto ang suspek.
Nakuha sa kaniya ang 271 na kahon ng sigarilyo na may estimated market value na 8.9 million pesos.
Narekober din sa suspek ang P513,400 cash at apat (4) na sachet na shabu.
Sa ngayon, nasa custody na siya ng General Santos City Police Station 4 at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10863 (An Act Modernizing the Custom and Tariff Administration), paglabag sa RA 2893 (Intellectual Property Rights), Section 76 of the Tax Reform Acceleration and Inclusion or TRAIN Law (RA 10963) at Section 11 ng RA 9165 o kasong may kinalaman sa iligal droga.