8 ahensya ng gobyerno sa QC, nakatanggap ng bomb threat

Matapos bulabugin ng bomb threat ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central office, lumipat naman ito sa tanggapan ng Philippine Information Agency o PIA sa Visayas Avenue, Quezon City.

Agad na rumisponde ang bomb disposal ordinance division ng Quezon City Police District (QCPD) bagama’t nagnegatibo ito sa anumang uri ng pampasabog.

Hiniling ni Atty. Julius de Peralta, admin division chief ng Philippine Information Agency (PIA) sa mga operatiba na magsagawa ng continuous monitoring at agad silang balikan kung may makuhang bagay na kahina-hinala ang kanilang mga security guard.


Aniya, kanila ring inatasan ang mga security guard ng ahensya na magsagawa ng pagbusisi sa loob at labas ng tanggapan ng PIA upang matiyak ang kaligtasan ng gusali

Hindi naman sinuspinde ang operasyon o walang pinauwi sa mga empleyado ng PIA.

Ayon naman kay PSMS Albert Calano ang team leader ng EOD K9 unit ng QCPD, nasa walong ahensya ng gobyerno sa QC ang nakatanggap ng bomb threat.

Aniya, isang nagpakilalang Takahiro Karasawa na umano’y Japanese lawyer ang nagpadala ng mensahe ng bomb threat sa pamamagitan ng e-mail.

Aniya, sa pamamagitan ng tinatawag na spyware ay naipakalat ng suspek ang kanyang mensahe sa mga tanggapan ng DENR Main Office, Vertis Mall, Department of Agriculture (DA), PIA, SSS, Commission on Audit (COA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Environmental Management Bureau ng DENR-NCR.

Snabi pa ni Calano na magsasagawa rin sila ng paneling sa iba pang mga nabanggit na ahensya ng gobyerno sa QC.

Kung may matagpuan naman ang pamunuan ng PIA na kahina hinalang bagay ay agad nilang babalikan ang nasabing ahensya.

Facebook Comments