Paalala: May ilang sensitibong bagay ang naisulat sa artikulong ito. Importante ang patnubay sa mga menor de edad o wala pa sa tamang disposisyon na maaring makabasa ng ganitong istorya.
QUEZON, BUKIDNON – Natuklap ang anit at natanggal ang kanang tainga ng isang walong-taong-gulang na babae makaraang sumabit ang buhok niya sa umiikot na gilingan ng mais.
Ayon sa kaanak ng biktimang si Leah Joy Dinla-Uso, pauwi na ito galing paaralan nang maganap ang kalunos-lunos na insidente noong Pebrero 18.
Naiwan pang nakapulupot sa umaandar na bakal ang buhok ng musmos.
Inakala ng operator na si Cruzse Jaro na may problema ang makina dahil bumagal raw ang ikot nito.
Nang makita ang duguang bata, pinatay niya raw agad ang gilingan at tumakbo sa labas ng kubo para humingi ng saklolo.
Kuwento ni Leah Joy, nakaramdam siya ng uhaw sa daan kaya naisipang uminom sa isang hose na sampung metro ang lapit sa gilingan ng mais.
Matapos makainom, bigla raw tinangay ng hangin ang suot niyang damit at tuluyang nasabit sa umiikot na bakal.
Nabali ang magkabilang binti ng paslit at natapyas rin ang parte ng pisngi niya bunsod ng aksidente.
Sumailalim sa skin grafting ang pasyente para sa tinamong pinsala sa katawan.
Patuloy na nakaratay at ginagamot si Leah Joy sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.