8-anyos, patay matapos umanong gahasain ng 16 kalalakihan

235549

CHENNAI, India – Binawian ng buhay ang isang 8-anyos na babae na kumpirmadong ginahasa ng 16 kalalakihan na pawang mga kaanak nito.

Ayon sa local reports, Pebrero 13, Huwebes nang isugod sa ospital ang bata nang bigla itong mawalan ng malay habang nasa loob ng banyo.


Sa kwento ng mga magulang ng biktima, una na itong nagreklamo nang pananakit ng tiyan bago mangyari ang trahedya.

Pagdating sa ospital ay idineklarang wala ng buhay ang bata.

Kasalukuyan namang hinihintay ng pulisya ang resulta ng awtopsiya ng bangkay para malaman kung ano ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.

Ngunit lumalabas  na ‘unnatural death’ ang naging pagkamatay ng bata sa ilalim ng Indian Penal Code.

Kaugnay nito, 16 kalalakihan ang naiulat na inaresto matapos magreklamo nakaraang taon ang ina ng biktima tungkol sa pang-aabuso sa kanyang paslit ng mismong mga kaanak nito sa loob ng tatlong taon.

Naisumbong din na maging ang 10-anyos na kapatid ng biktima ay hinalay din.

Napansin daw ng mga magulang ng bata ang kakaibang pagbabago sa inaasal nito.

Naging nerbyosa at matatakutin daw ang bata at madalas na raw nahihirapan sa pagtulog.

Samantala, 2018 nang maipasa sa India ang batas ukol sa pagpataw ng death penalty sa sinumang mapapatunayang nanggahasa  ng bata edad 12 pababa.

Facebook Comments