8 bayan at 2 siyudad sa Pangasinan binaha dahil sa Habagat

Binaha ang iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ng Pangasinan matapos ang walang tigil na pag-uulan simula pa noong Biyernes dulot ng Habagat.

Ayon kay Shallom Balolong, Early Warning Officer ng Pangasinan Disaster Risk Reduction and Management Council, nakakaranas pa rin ng pagbaha ang bayan ng Agno, Bani, Infanta, Mabini, Mangatarem at Dagupan City.

Nabaha rin ang bayan ng Dasol, Labrador, Aguilar at Alaminos City.
Ang bayan ng Bani ang naitalang may pinakamataas na baha na umabot sa 5ft kung kaya’t nahirapan sa pagrescue ng ilang mga rescuers.


Mahigpit din na binabantayan ang San Roque Dam na nasa 267 masl na at ang normal level nito ay nasa 280 masl. Kapag nagpatuloy umano ang pag-uulan at pagtaas ng lebel nito maaring magpakawala ng tubig ang naturang dam.

Ayon sa PDRRMO bagamat tumila na ang pag-ulan dito sa lalawigan, manatili pa rin umanong maging alerto dahil mayroon pang low pressure area na binabantayan.

Kaugnay nito nagdeklara naman ang apat na siyudad at 29 na bayan na walang pasok ngayong araw.

Sa ngayon nananatiling nasa Red Alert Status ang lalawigan para sa seguridad ng mga Pangsinense.
###
Photo Credit: PNP Dasol

Facebook Comments