Isasailalim sa total full lockdown ang walong bayan sa Laguna.
Magsisimula ang total full lockdown sa Miyerkules, Mayo 13 na tatagal hanggang Biyernes, Mayo 15.
Ang mga bayang ito ay ang mga munisipalidad na kabilang sa United Laguna Baybay Circuit partikular na ang Kalayaan, Paete, Pakil, Pangil, Famy, Siniloan, Mabitac at Sta. Maria.
Papayagan lamang lumabas ng kanilang bahay ang mga nagta-trabaho sa kalusugan, pagkain, agrikultura, electric cooperative, mga pulis at sundalo, duty authorized at barangay frontliners.
Pahihintulutan lamang din maka-biyahe at makadaan ang mga motorista sa national roads ng bawat bayan na kasama sa Baybay Laguna Circuit of Municipalities.
Habang ang mga walang “no working permit pass” at “no food lanes pass” ay hindi papayagang dumaan sa boundary pa lamang ng Kalayaan at Mabitac sa Laguna.
Ang naturang hakbang ay upang hindi lumaganap pa ang COVID-19 kung saan 10 kaso na ang naitala sa walong bayan.
Base naman sa datos ng Laguna Provincial Health Office, nasa 329 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19; 1,078 ang suspected; 67 probable; 171 ang nakarekober at 30 ang nasawi dahil sa sakit.