Walong baybayin sa bansa ang positibo sa toxic red tide.
Ito ay batay sa pinakahuling shellfish bulletin na inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kabilang sa nagpositibo sa paralytic shellfish poison ay ang Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; Lianga Bay sa Surigao del Sur; at ang coastal waters ng San Benito sa Surigao del Norte.
Gayundin, ang mga baybayin ng Milagros sa Masbate, San Pedro Bay sa Samar at Matarinao Bay sa Eastern Samar.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ng BFAR at Local Government Unit (LGU) ang paghango at pagkain ng anumang uri ng shellfish, alamang at iba pang lamang dagat sa mga nasabing baybaying dagat.
Ligtas namang kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango basta’t linisin lamang nang mabuti bago lutuin.