Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang walong Chinese nationals na umano’y sangkot sa iligal na pagbebenta ng loose firearms at kidnapping sa Pasay City.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Brig. General Roderick Augustus Alba, isinagawa ng CIDG ang entrapment/buy-bust operation dahilan nang pagkaka-aresto ng limang Chinese nationals.
Habang ang tatlong iba pa ay inaresto dahil tinangka ng mga ito na pigilan ang pag-aresto sa lima nilang kasamahan sa pamamagitan ng pagharang ng kanilang sasakyan para hindi mapasok ng mga awtoridad ang tinutuluyang apartment ng mga suspek.
Nakumpiska sa mga ito ang samu’t saring mga baril, live ammunitions, taser; handcuffs; laptops, mobile phones, iba’t ibang ID at ilang Chinese ATM cards.
Ayon pa sa CIDG, ang mga suspek ay involved sa illegal recruitment, kidnapping, at gun running na nag ooperate sa kalakhang Maynila.
Sa ngayon, inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998, at PD 1829 o Penalizing obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders laban sa mga suspek.