Monday, February 16, 2026

8 Chinese nationals na konektado sa isang POGO hub sa Muntinlupa City, iniharap ng NBI sa publiko

Iprinesenta ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media ang walong Chinese nationals na kanilang naaresto dahil sa kasong serious illegal detention at konektado sa isang POGO hub sa Ayala, Alabang, Muntinlupa City.

Ayon kay NBI National Capital Region Director Joel Tovera, nag-ugat ang operasyon matapos magsampa ng reklamo ang isang Chinese national na kaibigan ng binihag ng mga suspek.

Agad nagkasa ng operasyon ang NBI at sinalakay ang POGO hub kung saan naaresto ang dalawa sa mga suspek na itinurong nanakit sa biktima, nanutok ng baril at nanguryente.

Sa naturang raid, anim pang kasamahan nito ang natyempuhang nagpapatakbo ng POGO hub at naabutan doon ang maraming computer.

Nasampahan na anila ng reklamong serious illegal detention ang dalawa sa mga Chinese nationals, habang hinahanda naman ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-POGO Act laban sa anim na iba pa.

Nakipag-ugnayan na rin ang NBI sa Chinese Embassy at BI para sa mga susunod na hakbang sa mga naarestong dayuhan.

Facebook Comments