Nagsampa ng karagdagang kaso sa Department of Justice (DOJ) ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ilang Chinese national na sangkot sa sinalakay na iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, Tarlac.
Sa ambush interview, sinabi ni CIDG Director Nicolas Torre III, may katungkulan sa operasyon ng POGO ang mga sinampahan nila ng kasong serious illegal detention.
Kaugnay nito, mga Chinese national din ang complainant sa kaso kung saan ang mga ito aniya ay hindi pinapayagang makalabas at sapilitang pinagta-trabaho.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng CIDG ang complainants habang nakakulong naman ang mga inirereklamo.
Samantala, sinabi pa ni Torre na may ibang lokal na opisyal na patuloy na iniimbestigahan dahil sa kaugnayan sa POGO.
Isa ang sinibak na si dating Bamban Mayor Alice Guo sa iniuugnay sa naturang POGO.