8 e-bikes at e-trikes, hinuli ng LTO matapos ang implementasyon ng e-trike ban sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila

Hinuli ng Land Transportation Office (LTO) ang walong e-bikes at e-trikes matapos ang implementasyon ng e-trike ban sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila kahapon.

Ayon sa pahayag ng LTO, ang mga mahuhuling nagpapatakbo ng e-trike sa mga ipinagbabawal na lansangan ay sasailalim sa kaukulang parusa alinsunod sa Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code, at Joint Administrative Order No. 2014-01, kabilang ang pagpataw ng multa at posibleng pag-impound ng e-trike.

Sa isinagawang operasyon ng LTO Law Enforcement Team, nasa 114 e-bikes at e-trikes ang ininspeksyon ng ahensya.

Isinagawa ang mga inspeksyon sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Manila, Roxas Boulevard, C-5 Road, at EDSA—pawang kabilang sa mga kalsadang saklaw ng naturang pagbabawal.

Ayon sa LTO, kinakailangan ang pagbabawal sa mga e-trike sa piling pangunahing kalsada upang matugunan ang daloy ng trapiko at mapahusay ang pangkalahatang kaligtasan ng mga commuter at motorista.

Sinabi ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao na tinutukoy na rin ng ahensya ang mga rutang maaaring daanan ng mga e-trike, at hinikayat ang mga operator na pamilyarín ang kanilang sarili sa mga kalsadang saklaw ng nasabing ban.

Facebook Comments