Walong tauhan ng Forensic Laboratory ng Public Attorney’s Office (PAO) ang nanganganib na mawalan ng trabaho epektibo sa January 1, 2021, ito ay oras na hindi ma-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tinapyas na pondo ng PAO Forensic Lab.
Kabilang sa nanganganib na mawalan ng trabaho ang apat na doktor ng PAO Forensic Lab, isang dentista, isang medical technologist, isang nurse at isang laboratory aide.
Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta, oras na hindi ma-veto ang tinanggal ng Senado na pondo ng kanilang Forensic Laboratory, mahihinto na rin ang kanilang pagtulong sa mga mahihirap na biktima ng krimen.
Ipinunto rin ni Atty. Acosta na labag sa batas ang pagtanggal sa PAO forensic officers sa ilalim ng Section 2 ng Republic Act 6656 na nagsasaad na “no officer or employee, in the career service shall be removed except for a valid cause and after due notice and hearing”.
Una nang nagpadala ng anim na pahinang liham sa Malacañang si Atty. Acosta para hilingin kay Pangulong Duterte ang pag-veto sa pagtapyas ng Senado sa budget ng PAO Forensic Laboratory.
Paliwanag pa ni Atty. Acosta na bilang chief executive ng PAO ay mandato niya na maibigay ang nararapat na hustisya sa milyon-milyong indigent na mga Pilipinong kliyente ng PAO.
Una na ring iginiit ng PAO chief na hindi duplication ang kanilang Forensic Laboratory dahil ang PAO ang naatasan ng gobyerno at ng Department of Justice (DOJ) na mag-imbestiga at tumulong sa pamilya ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.