
Posibleng nasa 8 hanggang sa 10 mga Senador ang bubuo sa minorya sa Senado matapos na maupo at makapanumpa na kahapon bilang bagong Senate President si Senator Tito Sotto III.
Ayon kay Senator Alan Peter Cayetano, ang bubuo sa oposisyon sa Mataas na Kapulungan ay ang mga senador na hindi lumagda ng suporta kay Sotto at nananatili kay Senator Chiz Escudero.
Hindi naman direktang matukoy ni Cayetano kung sino-sinong mga senador ang magiging myembro ng minorya dahil may posibilidad pa rin na pumanig ang ilan sa mayorya.
Nakatitiyak ang mambabatas na sina Escudero at Senator Joel Villanueva na napatalsik namang Majority Leader, ay makasasama nila sa minority bloc.
Katunayan, magkakasama sila kahapon habang mayroong patawag na caucus sa majority bloc.
Ngayong araw ay isasapinal nila kung sino-sinong mga senador ang magiging kasapi ng minorya at depende pa rin kung tatanggapin niya ang pagiging lider ng oposisyon.









