Cauayan City, Isabela- Napasuko rin ang walong (8) kasapi ng Militiang Bayan ng Northern Front Committee ng Komiteng Rehiyon ng Cagayan Valley (KR-CV) sa tropa ng Naval Task Group Fleet – Marine Cagayan ng Marine Battalion Landing Team 10 sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Sumuko ang mga ito noong Pebrero 12, 2021 sa pamamagitan ng pinagsamang pagtutulungan ng mga marino ng MBLT 10 at ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict o PTF-ELCAC na pinamumunuan ni Cagayan Governor Manuel Mamba.
Ayon naman kay Lt.Col. Rowan Rimas, Commanding Officer ng MBLT 10 at pinuno ng NTG FMC, kanilang tiniyak sa mga sumukong rebelde na nakahanda ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga programa nito gaya ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) upang mabibigyan sila ng sapat na tulong sa kanilang pagbabagong buhay.
Bukod sa mga benepisyo na kanilang matatanggap sa programang E-CLIP, makakatanggap din ng pabuya o pera ang walong sumuko kapalit ng kanilang mga isinukong armas at bala.
Naniniwala rin si Lt.Col. Rimas na ang magkakasunod na pagbabalik loob sa pamahalaan ng mga rebelde ay magsisilbing pag-asa at pagbabago sa kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya.