8 Katao sa Tumauini, Isabela, Bigong Makapasok sa Palengke!

Cauayan City, Isabela- Hindi na pinatuloy ng kapulisan ang 8 katao na magtutungo sana sa palengke matapos na walang maipakitang home quarantine pass sa checkpoint.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Major Rolando Gatan, hepe ng pulisya, tuloy-tuloy aniya ang kanilang mahigpit na pagbabantay at pagpapatupad sa mga alituntunin ng Enhanced Community Quarantine.

Nitong mga nakaraang araw ay sunod-sunod ang kanilang mga nahuhuli na lumalabag sa ECQ at pinakahuling dinakip ng kapulisan dahil sa ‘no quarantine pass’ ang walong katao na lulan ng isang Forward truck na patungo sana sa public market sa brgy. San Pedro, Tumauini, Isabela.


Dinala muna ang mga ito sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon bago ipasakamay sa kanilang barangay hall para sa gagawing community service.

Muling nagpaalala ang Hepe sa kanyang mga kababayan na sumunod lamang sa ECQ upang hindi na humantong sa pagkakahuli.

Facebook Comments