8 Milisyang Bayan sa Isabela, Sumuko sa Militar

Cauayan City, Isabela- Sumuko sa hanay ng 98th Infantry Battalion ang walong (8) miyembro ng Milisya ng Bayan (MB) sa Sitio Nursery, Barangay Disulap, San Mariano, Isabela.

Kasama sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan ang bitbit na tatlong (3) M16A1 Rifle at isang (1) M1 Garand Rifle na ibinigay sa kanila ng teroristang CPP-NPA upang gamitin laban sa tropa ng pamahalaan.

Sumuko umano ang walong MBs dahil taliwas sa pangako ng sinampahang kilusan ang ginawa ng kanilang inanibang grupo.


Kamakailan lamang, napalaban ang tropa ng 98IB sa teroristang grupo sa Brgy Masipi, Cabagan, Isabela na kung saan nagtakbuhan at nagkawatak-watak ang grupo ng mga rebelde.

Pinuri naman ng pamunuan ng 5ID ang 502nd Infantry Brigade at ang mga miyembro ng 98IB sa kanilang dedikasyon sa tungkulin at sa walang humpay na pakikipagtulungan sa mga mamamayan upang wakasan ang insurhensiya sa kanilang nasasakupang lugar.

Ayon kay MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, ang patuloy at sunod-sunod na pagsuko ng mga miyembro ng MB ay patunay ng tagumpay ng taumbayan at ng pamahalaan sa kampanya laban sa insurhensiya.

Facebook Comments