
Iniimbestigahan na ng Internal Affairs Service o IAS ng Philippine National Police (PNP) ang 8 myembro ng Navotas Police Station matapos ang pag-torture umano sa dalawang lalaki na pinaaamin sa pagpatay sa dalawang indibidwal noong Nobyembre 3 sa Brgy. Bangkulas, Navotas City.
Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame, sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño na ang mga akusadong pulis ay may mga ranggong 4 staff sergeant, 1 master sergeant, 2 patrolman at 1 colonel.
Ayon kay Tuaño, ang mga nasabing 8 akusado ay sinampahan ng 2 nagrereklamo ng mga kasong grave misconduct, serious irregularities in the performance of duties at 2 iba pa noong Nobyembre 20.
Sa ngayon, nakikipag-usap na ang IAS sa 8 pulis at sa abogado ng 2 biktima at inaasahan na gagawan agad ng aksyon ng PNP kung ano ang kakalabasan ng nasabing imbestigasyon.
Kaugnay nito, ayon sa abogado ng 2 nagrereklamo ay pansamantalang nakalabas na sa kulungan ang isang biktima habang ang isa ay nasa loob pa ng piitan.









