8 Navy officers na sangkot sa Pestaño case, inabswelto ng Supreme Court

Ipinawalang-sala ng Supreme Court (SC) ang walong Philippine Navy officer na isinangkot sa pagkamatay ni Ensign Philip Andrew Pestaño habang sakay ng BRP Bacolod noong 1995.

Sa resolusyong may petsa na May 14, 2021 at isinapubliko online nito lamang June 12, binaligtad ng SC First Division ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) noong October 11, 2013.

Ipinagpaliban din nito ang kautusan ng Office of the Ombudsman noong 2011 hinggil sa kasong administratibo laban sa walong petitioners na pinangungunahan ni retired Navy Captain Ricardo Ordoñez.


Nasangkot sila sa kaso matapos na lumabas sa imbestigasyon ng Senado at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bago namatay sa tama ng baril sa ulo ang noo’y 23-anyos na si Pestaño, kinompronta nito ang mga opisyal dahil sa umano’y nadiskubre nitong katiwalian.

Una nang inabswelto ni Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro ang mga Navy officers noong 2009 kung saan sinabi nitong walang sapat na ebidensyang nagpapakitang nakagawa sila ng unlawful behavior o gross negligence.

Makalipas ang tatlong taon, binago ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang resolusyon ni Casimiro at ipinag-utos ang pagsasampa ng kaso laban sa Navy officers na noo’y nasinibak din sa serbisyo.

Samantala, sinisikap pa ng RMN-DZXL558 Manila na makuha ang komento ng kampo ni Pestaño ukol sa naging desisyon ng Supreme Court.

Facebook Comments