Pasay City – Walong pangalan na posibleng isama sa senatorial slate ang nabanggit sa naganap na leadership assembly ng PDP-Laban sa Pasay City.
Ayon kay Ron Munsayac, PDP Public Information and Communications Committee Chairman, kabilang dito ay sina Senador Koko Pimentel, Special Assistant to the President Secretary Christopher “Bong” Go, Presidential Spokesperson Harry Roque, Presidential Political Adviser Francis Tolentino, Makati 1st District Congressman Monsour Del Rosario, Qurino Congressman Dakila ‘Dax’ Cua, Maguindanao Congressman Zajid ‘Dong’ Mangudadatu at Davao Congressman Karlo Nograles.
Hindi pa naman makumpirma ni Munsayac kung pinal na ang mga nabanggit na mga pangalan.
Ilan sa mga dumalo sa pagtitipon ay sina Pangulong Duterte na tumatayong chairman ng partido, PDP-Laban President Sen. Pimentel, Secretary General Cong. Pantaleon Alvarez, Executive Secretary Salvador Medialdea, Bong Go, Tolentino at Roque.
Sa naging talumpati ni Pimentel, layon ng naturang pagtitipon na humingi ng gabay kay Pangulong Duterte na tumatayong chairman ng partido sa pagpili ng mga isasama sa kanilang senatorial slate.
Iginiit ni Pimentel, itinatag ang partido ng mga karaniwang tao kaya dapat patakbuhin din ng mga karaniwang tao at hindi ng mga malalaking negosyante.