
Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magtatagumpay ang panibagong energy explorations na magsusulong sa seguridad ng enerhiya ng bansa.
Kasunod ito ng paggawad ng walong petroleum service contracts (PSCs) na sasaklaw sa mga exploration areas sa Sulu Sea, Cagayan, Cebu, Northwest Palawan, East Palawan, at Central Luzon.
Ayon sa Department of Energy (DOE), layunin ng mga PSC na palakasin ang lokal na produksyon ng langis at mabawasan ang labis na pag-asa ng bansa sa imported na krudo.
Sa kaniyang talumpati, inamin naman ng Pangulo ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na direktang pasanin ng mga Pilipino.
Kaya’t iginiit niyang malaking hakbang ang mga bagong kontratang ito para makalikha ng oportunidad sa sektor ng enerhiya at makamit ang energy security at self-reliance.
Dagdag pa ng Pangulo, nananatiling nakatuon ang administrasyon sa pagtatayo ng matatag na ekonomiya sa pamamagitan ng matibay at mas maaasahang suplay ng enerhiya para sa bansa.









