Makakaasa ang mga taga-Davao na mas mapapadali ang paghahatid sa kanila ng serbisyo at tulong ng pamahalaan.
Ito ay dahil umaabot na ngayon sa walo ang public assistance center sa iba’t ibang lugar sa Davao Region.
Ang pagbubukas ng mga ito ay pinangunahan nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at misis na si Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez.
Kabilang sa mga lugar na mayroon nang Alagang Tingog Center o ATC ay ang Samal Island, Panabo City, at bayan ng Carmen sa Davao del Norte.
Mayroon na ring ATC sa Tagum City, at mga bayan ng Asuncion at San Isidro gayundin sa Dujali at Sto. Tomas.
Ang pagbubukas ng mga ATC ay sinundan ng pamamahagi ng financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
₱2,000 ang ayuda na ipinagkaloob ng DSWD sa mga benepisaryong residente ng Samal Island, Panabo City, Carmen, San Isidro at Sto. Tomas.
Nakatanggap din ng tulong ang 500 benepisyaryo mula sa transport sector ng Asuncion gayundin ang magsasaka sa Tagum City, at Dujali.