Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang walong kapwa nila mga miyembro dahil sa pagnanakaw sa Angeles City, Pampanga.
Batay sa ulat ng PNP-CIDG, kinilala ang mga naarestong pulis na sina;
PMaj. Ferdinand Mendoza
PSsg. Mark Anthony Reyes Iral
PSsg. Sanny Ric S. Alicante
PCpl. Richmond P. Francia
PCpl. John Gervic N. Fajardo
PCpl. Kenneth Rheiner Ferrer Delfin
Pat. Leandro Veloso Mangale
Pat. Hermogines A. Rosario Jr.
Sila ay mga nakatalaga sa Anti-Organized Crime Unit ng PNP-CIDG sa Angeles City.
Sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, pinasok ng 8 na pawang mga nakasibilyan kasama ang dalawang Chinese at isang Pilipino ang tinutuluyan ng pitong mga lalaking Chinese at kanilang Pinoy na kasama sa bahay sa Missael St., Diamond Subd., Brgy. Balibago, Angeles City.
Sila ay nagpakilalang mga tauhan ng PNP-CIDG at nagsagawa umano ng buy-bust operation.
Sakto namang nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na nakatalaga sa PNP-CIDG City field unit na may nangyayaring nakawan kaya agad rumesponde.
Pagdating sa lugar, nagpang-abot ang mga pulis at nahuli ang tatlo sa walong pulis pero sinabing sila ay may operasyon sa lugar.
Ngunit sa pagsasagawa ng imbestigasyon, natukoy na ninakaw pala ng mga pulis ang mga mahahalagang gamit sa loob ng bahay ng pitong Chinese kabilang dito ang cheque at cash na P300,000.00 at US dollars bills.
Sa ngayon, pansamantalang nasa kustodiya ng CIDG Angeles CFU ang mga naarestong suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo.