Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng patung-patong na mga kasong kriminal at administratibo sa Department of Justice (DOJ) ang walong pulis ng Sultan Kudarat.
Ito’y kaugnay sa nangyaring pamamaril sa walong katao sa isang checkpoint sa bayan ng Lambayong.
Ang mga kinasuhan ay sina Police Maj. Jenahmeel Yonaco, Police Senior Master Sargent Syril Mahaddi, Police Corporal Elpidio Garlit, Police Corporal Joffrey Apalla, Patrolman Nicol Dion Toreja, Patrolman Basser Mako, Patrolman Mario Rombaoa Jr., at Patrolman Roldan Claveria.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng NBI sa Senate Resolution na inakda ni Sen. Robinhood Padilla matapos matuklasan ang pagpatay sa hindi pinangalanan na mga biktima.
Alas-12:40 ng madaling araw noong December 2, 2022 ay sakay umano ng motorsiklo ang mga biktima ng sila ay harangin ng mga pulis sa isang checkpoint.
Pinalabas umano ng walong pulis na nagkaroon sila ng pagtatalo sa tatlong biktima na noon ay sakay ng kanilang motorsiklo at naiuwi sa palitan ng putok.
Dead on arrival sa pagamutan ang tatlong biktima kung saan sinabi ng mga pulis na nanlaban sa kanila.
Pero ng magsagawa ng imbestigasyon ang NBI, walang naganap na palitan ng putok sa pagitan ng mga biktima at mga pulis.
Maging ang trajectory ng tama ng bala ay malapitan kung saan lumalabas na mga pulis lamang ang nag paputok.
Kinasuhan na ng multiple murder sa DOJ ang mga pulis Lambayong habang ang kasong administratibo ay isinampa sa National Police Commission at Internal Affairs Service ng Philippine National Police.