8 rekomendasyon ng DOST para sa vaccine clinical trials, inaprubahan ng IATF

Aprubado na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ilang rekomendasyon ng Department of Science and Technology (DOST) para sa nalalapit na clinical trials ng Sputnik V o anumang madidiskubreng bakuna panlaban sa COVID-19.

Sa IATF Resolution No. 68, nakasaad na binibigyang prayoridad ang pagsasagawa ng clinical trials ng World Health Organization (WHO) solidarity trial pero hindi rin dapat ma-deprived sa trial site ang independent trials.

Magmumula naman sa 5 hanggang 10 barangay na may mataas na kaso ng COVID-19 ang kukuhaning recipients ng WHO solidarity trials.


Ang mga datos ay magmumula sa Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau kung saan responsable rin sila sa pagmomonitor ng data ng bawat trial participants.

Magkakaroon ng trial zones para sa independent clinical trials na siyang isasagawa ng mga pribadong kumpanya para maiwasan ang kompetisyon.

Sakaling magkaroon ng COVID-19 outbreak, magtutungo doon ang WHO Solidarity trial team basta’t walang ongoing na trial na isinasagawa doon mula sa panig ng independent companies.

Sakali namang magkaroon ng kakaunting trial participants, maaaring kumuha sa ibang barangay na mataas ang recruitment upang makuha ang target number of participants.

Samantala, magkakaroon din ng Memorandum of Agreement hinggil dito ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at DOST.

Nakasaad din sa resolusyon ang pagtatatag ng communication plan para sa COVID-19 vaccine trials at dahil sa limitadong mobility maaaring gumamit ng alternative modes sa pag-follow up sa mga trial participants sa pamamagitan ng cellphones o di naman kaya ay sa tulong ng barangay health workers at local barangay volunteers.

Magkakaroon ng hiwalay na sub technical working group para sa vaccine procurement sa pangunguna ng DBM kasama ang DOH, DOF, DFA, DTI, Philippine International Trading Corp, NEDA at ng DILG.

Facebook Comments