Walong mga senador mula sa majority bloc ang naghayag ng intensyon na maging physically present sa joint session ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Lunes, July 26 para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinabibilangan ito nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Bong Go, Imee Marcos, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Francis Tolentino.
Wala naman kahit isa mga senador na kabilang sa oposisyon o minority bloc ang nagsabing pupunta sa Batasan para personal na makinig sa huling SONA ni Pangulong Duterte.
Ang mga dadalo physically sa SONA ng Pangulo ay dapat na fully vaccinated na at kailangang makapagpresinta ng negatibong resulta ng RT-PCR test.
Para naman sa pagbubukas ng session ng Senado sa Lunes ng umaga ay sinabi ni SP Sotto na bagamat bakunado na ang mga senador ay hindi pa rin sila inoobliga na maging physically present dahil umiiral pa rin ang kanilang resolusyon para sa virtual o teleconferencing na pagdalo sa session o mga committee hearings.
Diin ni SP Sotto, mahalaga na ang lahat ay maging maingat at patuloy rin ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols sa Senado tulad sa session hall na may plastic barrier ang bawat lamesa ng mga senador maliban sa pagsusuot nila face mask at face shield, social distancing at pagkuha ng temperature sa pagpasok nila sa gusali.
Masaya ring ibinalita ni SP Sotto na 90 percent ng mga empleyado ng Senado ay fully vaccinated na.
Gayunpaman, sinabi ni SP na mananatili pa rin ang 50 to 60 percent level ng workforce sa Senado, ibig sabihin may rotation sa kanilang schedule at magrereport sila physically sa trabaho ng 2 o 3 beses lang sa isang linggo.