8 tama ng bala, natamo ng 1 sa 4 na sundalong napatay sa Jolo, Sulu – NBI

Nagtamo ng hanggang walong tama ng bala ang isa sa apat na sundalong napaslang ng mga pulis sa Jolo, Sulu.

Ito ang lumabas sa forensic examination na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na natapos na nila nitong Martes ng gabi.

Ang mga isinailalim sa pagsusuri ay ang mga labi nina Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod at Sergeant Eric Velasco habang ang ika-apat na sundalo na si Corporal Abdal Asula ay agad na inilibing alinsunod sa Islamic tradition.


Ayon kay NBI Spokesperson Deputy Director Ferdinand Lavin, matindi ang sinapit ng isa sa mga sundalo na nagkaroon ng walong gunshot wounds.

Ang dalawang iba pang namatay na sundalo ay nagtamo lamang ng tatlong tama ng bala.

Hindi naman binanggit ni Lavin kung mayroong powder burns ang mga napaslang na sundalo.

Sa ngayon, nagpadala ang NBI ng panibagong forensic team sa Sulu para tumulong sa mga tauhan ng Western Mindanao Regional Office na nagsasagawa ng crime scene investigation.

Facebook Comments