Pansamantala munang nasa kustodiya ng PNP Asingan ang isang 80-anyos na lolo matapos umanong nagnakaw ng halos 10-kilong bunga ng mangga.
Sa naging panayam ng iFM Dagupan kay PMaj. Napoleon M. Eleccion Jr, Officer-In-Charge ng Asingan Police Station, nasa pangangalaga ngayon ng kanilang himpilan ang suspek na si Narding Floro, 80-anyos residente ng nasabing bayan dahil sa pagnanakaw ng mangga.
Ayon kay Floro, pinapitas umano niya ang isang puno ng mangga na may halos sampung kilong bunga dahil sa pagkakaalam nito ay sakop pa nila ang lugar na pinagtanman ng puno.
Dagdag pa niya, nang mabakuran umano ang lugar napag-alamang nasakop na pala ng nagpahuli sa kanya ang manggahan.
Sinubukan pa umanong makipagkasundo ng matanda at magbayad nalang ngunit tinanggihan ito, nais pa umano siyang pagbayarin ng anim na libong piso.
Hinuli si Floro sa kanyang tahanan matapos i-served ang isang warrant of arrest na inilabas ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) Asingan-San Manuel, noong December 20, 2021 dahil sa kasong Theft o pagnanakaw kung saan arestado ang suspek nito lamang January 13.
Dagdag ni Eleccion, bilang konsiderasyon hindi na ikinulong si Floro dahil sa kanyang edad kung saan inaalagaan at binibigyan pa umano siya ng pagkain sa loob ng Women’s desk.
Binigyan ito ng piyansa na nagkakahalaga ng P6,000.00 kung saan nagtulong-tulong na ang tropa ng kapulisan sa PNP Asingan upang pansamantalang makalaya ang nasabing lolo.
Samantala, dahil sa kasalukuyang sitwasyon ay hinihintay pa ang resulta mula sa korte kung kailan ito maaaring lumabas ng himpilan. Sa ngayon, mag-iisang linggo na itong nasa kustodiya ng pulisya. | ifmnews
Facebook Comments