80 indibidwal, sinampahan ng kaso ng PNP dahil sa online scam

Umakyat na sa 80 indibidwal ang nasampahan na kaso ng Philippine National Police (PNP) dahil sa iba’t ibang cybercrimes ngayong may pandemya.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, 121 na criminal complaints ang isinampa nila sa iba’t ibang korte laban sa 80 indibidwal.

Kabilang sa mga kaso ang pagpapakalat ng fake news sa internet, illegal online sale ng medical supplies, at online scams.


Batay sa datos ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cybercrime Group (ACG), mula March 9, 2021 hanggang August 9, 2021, 87 criminal complaints ang naisampa laban sa 52 tao dahil sa fake news; 3 online scam complaints laban sa 2 tao at 31 criminal complaints laban sa 26 na tao para naman sa online profiteering, overpricing, hoarding at unauthorized selling ng medical supplies.

Maliban sa mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health safety standards at quarantine protocols, nagpapatuloy ang pagtugis ng PNP sa mga masasamang loob na pinagkakakitaan at nanamantala sa pangamba at takot dahil sa COVID-19.

Paliwanag niya, ngayong may pandemya, tumaas ang insidente ng mga nagpapakalat ng pekeng balita na nakakabiktima ng mga tao.

Partikular na isinampa sa kanila ang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code; paglabag sa Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law; at paglabag sa Presidential Decree No. 90.

Nakumpiska naman sa mga unauthorized online seller ang gallon ng mga disinfectant; Vitamin C capsules; forehead thermometers; face masks; at mga bote ng isopropyl alcohol.

Facebook Comments