80% ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila, mapaparalisa sa tigil-pasada ng grupong Manibela sa Lunes, October 16

Kumpiyansa ang grupong Manibela na kaya nitong paralisahin ang walumpung porsyento ng transportasyon sa Metro Manila sa Lunes sa gagawin nilang tigil-pasada.

Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, mula sa 700 na ruta nila sa Metro Manila, 600 umano rito ang walang papasadang pampublikong sasakyan.

Ani Valbuena, gabi pa lang ng araw ng Linggo ay mararamdaman na ang kawalan ng mga pampasaherong jeepney.


Sisimulan ng grupo ang tigil pasada sa UP-Philcoa, kung saan magkakaroon ng caravan patungong LTFRB.

Ang iba namang makikilahok sa norte at katimugang Luzon ay magtitipon tipon sa Mendiola.

Papalibutan umano nila ng isang libong sasakyan ang Malacañang.

Para naman sa mga malalaking grupo ng transportasyon na minamaliit ang kanilang grupo, giit ni Valbuena ay abangan na lang ang mga mangyayari sa Lunes bilang pagtutol sa PUV modernization program.

Facebook Comments