80% ng public transport sa NCR, Central Luzon, naparalisa ng tigil-pasada

80% ng pampublikong transportation sa Metro Manila at Central Luzon ang naparalisa sa unang araw ng tigil-pasada ng ilang transport group.

Pinakaapektado umano ng transport strike ang mga ruta sa Quezon City at Maynila.

Nakiisa rin sa tigil-pasada ang mga tsuper na may biyaheng Montalban, Rizal papuntang Cubao at Baclaran, Parañaque paluwas ng Dasmariñas City, Cavite.


Ayon kay Mar Valbuena, Chairperson ng grupong MANIBELA, layon ng tigil-pasada na ipakita sa gobyerno kung gaanong jeepney drivers at operators ang maaapektuhan ng jeepney phaseout.

“Dito lang po sa NCR, nasa 80% ang nag-participate at sa Central Luzon, ganon din po,”

“Ang gusto lang naming ipakita rito ay yung volume ng mga jeepney na nag-participate sa tigil-pasada. E pwede po bang gawin ito kapag may na-phaseout na, na laging may contingency po nang isang buwan, isang taon? At syempre, kapag kami, binawian na kami ng prangkisa, malamang po ay wala na talaga kami. Goodbye na,” giit ni Valbuena sa panayam ng DZXL.

Nilinaw naman ni Valbuena na bukas ang kanilang grupo na iatras ang tigil-pasada kung makikipag-dayalogo mismo sa kanila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Hindi matatapos ito kung paabutin ko pa ito ng dalawang linggo, pero handa ang ating kasamahan e, sa ganong sitwasyon,” ani pa ni Valbuena.

“Depende po yan sa gobyerno kung mag-a-announce po ba si PBBM na makaka-dialogue tayo mismo. Kasi nagsabi na yung pangulo na ganito ang gawin ninyo pero iba ang nangyari, kaya kami tumuloy.”

“Kasi inurong lang yung deadline pero yung mga provisions doon na nagpapahirap, andun pa rin. Pinahaba lang yung stress na mararanasan namin sa araw-araw at trauma ng mga kasamahan natin na hanggang ganito na lang pala tayo,” dagdag niya.

Facebook Comments