Cauayan City, Isabela- Nagpatupad na ng pre-emptive evacuation ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Isabela sa mga residente ng coastal town ng Maconacon dahil pa rin sa banta ng bagyong Kiko.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PDRRM Officer Ret. Gen. Jimmy Rivera, nasa 80 pamilya na kinabibilangan ng 207 indibidwal mula sa pitong barangay ang nasa iba’t ibang evacuation center sa naturang bayan.
Ayon pa kay Rivera, inaasahan din na magsasagawa ng hiwalay na pre-emptive evacuation sa ilan pang bayan sa lalawigan na nakataas sa Signal Number 2.
Inabisuhan na rin ang mga pamilya sa iba pang lugar na magsagawa na ng paglikas kung kinakailangan dahil sa pangamba ng storm surge kung magtutuloy ang masungit na panahon lalo na sa mga coastal areas.
Samantala, nagdeploy na ang PDRRMC ng 831 rescuers bilang karagdagang pwersa sa mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sakaling tumindi pa ang sama ng panahon.
Nakahanda na rin aniya ang lahat ng kanilang mga assets o kagamitan sa pagresponde sa oras na kailanganin ito.
tgs: PDRRMC Isabela, Bagyong Kiko, PLGU Isabela, LGU Maconacon, Luzon