80% Populasyon ng mga Ivatan, Apektado ng Bagyong Kiko; Tulong, Ipinanawagan

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 80% ng populasyon ng Batanes ang apektado ng nagdaang bagyong Kiko, ayon kay Governor Marilou Cayco.

Inihayag naman nito na kailangan ngayon ng lalawigan ang mga kagamitan gaya ng kahoy, yero at trapal para sa muling pagbangon ng mga Ivatan.

Sa ginawang monitoring ng provincial government, marami umanong nawalan ng bubong sa mga kabahayan matapos tangayin ng malakas na hangin habang nagtumbahan naman ang ilang punong kahoy sa ibang bahagi ng isla.


Hihilingin naman ni Cayco sa DENR na payagan silang putulin ang mga nabuwal na kahit matapos manalasa ang bagyo sa lalawigan.

Gayunpaman, nagpapatuloy ang ginagawang clearing operation sa Basco na isa sa itinuturing na matinding hinagupit ng bagyo gayundin ang bayan ng Uyugan.
Samantala, nananatili pa rin ang kawalan ng suplay ng kuryente sa buong lalawigan maging ang linya ng komunikasyon sa bayan ng Itbayat.

Sa kabila ng paghagupit ng bagyo sa buong probinsya, nagpasalamat naman ang gobernador dahil sa zero casualty kahit na mayroong siyam (9) na sugatan.

Una nang tiniyak ng PLGU Cagayan ang pagbibigay tulong sa Batanes dahil sa nangyaring kalamidad.

Facebook Comments