Aabot sa 800 medical frontliners ang naturukan na ng Sinovac vaccines sa loob ng dalawang araw.
Unang nabigyan ng nasabing bakuna ang nasa 300 health care workers mula sa University of Perpetual Help Medical Center kung saan dumalo sa ceremonial vaccination si Las Piñas City Vice Mayor April Aguilar at Dr. Ma. Paz Coralez, Assistant Regional Director ng Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR).
Sunod na nabigyan ng Sinovac vaccines ang nasa 100 health care workers mula sa Pope John Paul II Hospital and Medical Center at 100 rin sa Las Piñas City Medical Center.
Nasa 300 health care workers naman mula sa Las Piñas Doctors Hospital ang naturukan rin ng Sinovac vaccines at pawang lahat sa mga nabigyan ng bakuna ay walang naranasan adverse effect.
Nabatid na inaabangan na lamang ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang pagdating ng iba pang bakuna kung saan bukod sa mga naunang naturukan ng bakuna kontra COVID-19, target nila na mabigyan ang nasa 500,000 residente sa lungsod upang maiwaaan na ang paglaganap ng virus.