800 indibidwal na lumagda ng suporta sa nasibak na MIAA general manager, hindi raw totoong empleyado ng airport

Panlilinlang daw sa publiko ang pinapalutang na may 800 empleyado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang lumagda ng suporta kina dismissed Manila International Airport Authority (MIAA) acting General Manager Cesar Chiong at dismissed acting Assistant General Manager Irene Montalbo.

Ayon sa isang empleyado ng MIAA na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang mga pinapirma sa sinasabing petisyon na sumusuporta kay Chiong ay hindi totoong mga empleyado ng airport.

Aniya, ang mga pinapirma ay ang mga nasa contracted service na hindi naman emplevado ng MIAA, kundi mga tauhan ng LServ.


Wala naman aniyang employer-employee relationship ang MIAA at LServ gayundin ang mga empleyado ng janitorial companies na pinapirma rin.

Idinagdag pa ng airport insider na marami pang ibang paglabag sa Civil Service Rules and Regulations na ginawa sina Chiong at Montalbo.

Malinaw rin aniya sa desisyon ng Ombudsman na nagkaroon sila ng mga pag-abuso sa ginawang reassignment sa mahigit 285 empleyado ng MIAA.

Una nang napatunayang guilty ng Ombudsman sina Chiong at Montalbo sa kasong grave misconduct, abuse of authority or oppression, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Facebook Comments