800-M HALAGA NG TWO-LANE BRIDGE, IPAPALIT SA NASIRANG TULAY SA BAYAN NG LUNA

Umaabot sa halagang 800 milyong piso ang ilalaang pondo para sa pagtatayo ng bagong two-way lane na tulay na ipapalit sa nag-collapse na Lalog Bridge sa bayan ng Luna, Isabela.

Pasado alas dose na umano ng madaling araw kahapon nang bumagsak ang halos isang daang metro na gitnang bahagi ng tulay dahil sa malakas na agos at mataas na lebel ng tubig na sanhi ng bagyong Paeng.

Sa ating panayam kay Engr. Lawrence Naguiat, municipal engineer ng Luna, hahanapan pa lamang aniya ito ng pondo para tuluyan nang maisakatuparan ang pagtatayo ng panibagong tulay.

Ito na aniya ang prayoridad na proyekto ng DPWH lalo na’t maraming mamamayan ang apektado nito.

Sinabi nito na bumigay ang tulay dahil na rin sa tagal nitong naitayo mula pa noong taong 2000.

Ayon naman kay Robert Macadangdang, construction maintenance foreman ng DPWH Isabela 2nd District, posibleng nasira ang tulay dahil sa mga malalaking punong kahoy na naaanod sa ilog at tumatama sa beam o poste ng tulay.

Kaugnay nito ay isinagawa pa rin ang inspeksyon sa tulay para maireport na rin ito sa Head Office.

Narito naman ang bahagi ng pahayag ni Robert Macadangdang ng DPWH Isabela 2nd District

Samantala, inihayag naman ni dating Luna Mayor Jaime Atayde na bahagya nang bumigay ang bahagi ng tulay apat na taon na ang nakalilipas kaya pinagamit na lamang ito sa mga light vehicles subalit dahil na rin aniya sa kalumaan nito at sinabayan pa ng malakas na agos ng tubig ay tuluyan na itong naputol.

Kaugnay nito ay wala naman aniyang nadamay o nahulog sa tulay nang mag-collapse ang Lalog bridge.

Ang Lalog Bridge ay mayroong kabuuang 320 linear meters na kumokonekta sa tatlong barangay ng Luna na kinabibilangan ng Macugay, San Isidro, at Sto Domingo ganun din ang bayan ng Aurora.

Sa kasalukuyan, totally closed ang nasabing tulay kayat pinapaalalahanan ang publiko na hindi muna ito madaanan at pinapayuhang umikot muna sa bayan ng Aurora at Cabatuan ang mga apektadong residente na magtutungo sa bayan ng Luna.

Facebook Comments