800,000 informal sector workers, makikinabang mula sa TUPAD program – DOLE

Aabot sa higit 800,000 informal sector workers ang inaasahang mabebenepisyuhan mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ito ay sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Ayon kay DOLE Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) Director Ma. Karen Trayvilla, isinusulong nila ang ₱6 billion na pondo para sa 863,667 beneficiaries.


Ang initial request ng Financial and Management Service ay nasa ₱4 billion.

Ipaprayoridad aniya nila ang mga hindi naayudahan mula sa Bayanihan 1.

“We have more than 500,000 unserved applicants. And, under Bayanihan 2, the instruction is to prioritize those that were unable to benefit under Bayanihan 1,” sabi ni Trayvilla.

Noong Setyembre, nasa ₱13 billion ang inilaan sa DOLE sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa iba pang programa ng ahensya tulad ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa formal sector workers at Abot Kamay yang Pagtulong (AKAP) program para sa Overseas Filipino Workers.

Sa ilalim ng COVID-19 intervention program, ang mga benepisyaryo ay kailangang magtrabaho ng higit 10 araw at bibigyan ng karampatang sahod batay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.

Nabatid na ipinatupad ng DOLE ang TUPAD – Barangay Ko, Bahay Ko (BKBK) program kung saan nasa 300,000 manggagawa ang pinasahod matapos ang 10 araw na pagsasagawa ng disinfection at sanitation work.

Facebook Comments