Makikinabang ang 800,000 mga pasahero kada araw kapag nakumpleto na ang North-South Commuter Railway.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Jorjette Aquino, aabot sa 873.6 bilyong piso ang pondo na gagastusin sa proyektong ito.
Layunin aniya ng proyektong ito ay makabawas sa oras ng biyahe ng mga pasahero.
Kung saan mula sa apat na oras ay magiging dalawang oras na lamang sa mga rutang Malolos hanggang Tutuban, Malolos hanggang Clark, at Manila hanggang Calamba City, Laguna.
Dagdag pa ni Aquino na sa segment na Malolos -Tutuban, lima na sa anim na kontrata ang nai-award na at ang pinakahuli ay ang electro mechanical system.
Sa Manila to Calamba segment naman, may siyam na kontrata, anim na rito ang nai-award na.
Habang sa Malolos to Clark, may apat ng kontrata ang nai-award na.
Popondohan ang proyektong ito ng Japan International Cooperation Agency o JICA at Asian Development Bank o ADB.