Nasa 82 kaso ng dengue ang naitala sa Mangaldan mula sa Enero hanggang Hulyo ngayong taon ayon sa tanggapan ng Municipal Health Office.
Kaya naman para maiwasan ang mga batang mag-aaral na mabiktima ng lamok na may dalang dengue ay nagsagawa ng fogging operation ang tanggapan at General Services Office (GSO) sa ilang paaralan para sa paghahanda sa pagbabalik ng face to face classes ng mga mag-aaral matapos ang bagyo.
Ilan sa paaralan ay Inlambo, Macayug, Lanas at Talogtog Elementary Schools.
Pagtitiyak ito na hindi mabibiktima ang mga batang mag-aaral ng nasabing sakit lalo at maaaring may mga naipong tubig ulan at baha sa loob ng mga paaralan na maaaring pinamugaran ng mga lamok upang pangitlogan.
Ayon kay Sanitation Officer VI Zita Lapore, mainam na inihahanda ang mga paaralan kahit pa hindi pa tuluyang humuhupa ang patuloy na pag-uulan. Dapat matiyak pa rin na ligtas na magagamit ang mga pasilidad sa pagbabalik eskwela ng mga bata.
Samantala, nakatakda pang umikot ang tanggapan para sa pagsasagawa ng fogging at misting operation sa iba pang pampublikong paaralan sa mga susunod na araw upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga bata at guro. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









