Noong Agosto 6, naibalik na ang suplay ng kuryente sa 83.33% ng mga kabahayan sa La Union, dalawang linggo matapos manalasa ang Bagyong Emong.
Nanawagan si Gobernador Mario Eduardo Ortega ng patuloy na kooperasyon upang mapabilis pa ang pagsasaayos. Nakipagpulong siya sa dalawang power distributor ng lalawigan, na nangakong paiigtingin ang kanilang operasyon para sa ganap na pagpapanumbalik ng serbisyo.
Ganap nang naibalik ang kuryente sa 8 sa 20 bayan ng lalawigan. Patuloy namang nagtatrabaho ang mga linemen upang ayusin ang mga sirang linya, habang hinihikayat ang publiko na tumulong sa mga clearing operations upang mapadali ang trabaho.
Dahil sa pananalasa ng bagyo, bumagsak ang maraming poste at puno, na nagdulot ng malawakang pagkawala ng kuryente. Idineklara ang lalawigan sa ilalim ng state of calamity.
Umabot sa mahigit 39,000 ang nasirang bahay—halos 36,000 ang bahagyang nasira at 3,500 ang tuluyang nawasak. Naitalang pinsala sa agrikultura ay higit PHP232 milyon, PHP7 milyon sa mga alagang hayop, at mahigit PHP6 bilyon sa imprastraktura.
Dalawa naman ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









