MANILA, Philippines – Natapos nang isalang sa final testing at sealing ang 85% ng mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin sa halalan bukas, May 9.
Ayon kay acting Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco, hindi bababa sa 90,305 mula sa kabuuang 106,174 na VCM ang matagumpay na naisalang sa final testing at sealing.
Target namang tapusin ang final testing at sealing ng 15% pa ng mga VCM.
Ayon kay Laudiangco, may maliit na porsiyento rin ng mga SD cards ang napaulat na depektibo pero agad din namang nasolusyunan.
Una rito, iniulat ng Comelec na nasa 790 VCMs ang nakitang depektibo pero wala pa naman anila ito sa 1% ng kabuuang bilang mga gagamiting VCM sa buong bansa.
Hanggang kahapon, 233 na sa mga depektibong VCM ang napalitan.
Bukod sa mga VCM, may 143 rin na mga SD card ang nakitang depektibo pero 107 pa lamang din dito ang napapalitan.
Matatandaang nagsimula ang final testing at sealing ng mga VCM noong Mayo 2.