Nakakumpiska ang Philippine National Police-Central Visayas (PRO-7) ng P34.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang dalawang araw na Synchronized Enhanced Managing Police Operations (SEMPOs).
Ayon kay Police Regional Office 7 Regional Director PBGen. Roderick Augustus Alba, nauwi ang operasyon sa pagkakaaresto ng 86 na indibidwal sa magkakahiwalay na police operations laban sa illegal drugs, illegal gambling, loose firearms, Communist Terrorist Groups, most wanted persons at iba pa mula October 14 hanggang October 15.
Kabilang sa mga naaresto ay si Rosell Morales Arda, Top Priority Ten High Value Individual sa Lapu-Lapu City kung saan nasabat dito ang 5,000 gramo ng shabu na may street value na P34 milyon.
Nasakote rin ng mga awtoridad si Myles Tudtud Seno, Top 6 Most Wanted Person sa Provincial Level ng Cebu City dahil sa kasong rape.
Sa bahagi naman ng Negros Oriental, nadakip ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group na kinilala na si Reneboy Pagon na itinuturing na Top 1 Most Wanted Person ng Sibulan at itinuturong squad leader ng Squad 2 CTG at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sinabi pa ni Alba na magtutuloy-tuloy ang PRO-7 sa pagpapatupad ng anti-criminality at anti-insurgency efforts upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.