868 KASO NG PANG-AABUSO SA KABABAIHAN AT BATA, NAITALA NG PRO-1 NGAYONG TAON

Umabot sa 868 ang naitalang kaso ng pang-aabuso laban sa kababaihan at bata mula Enero 1 hanggang Nobyembre 30, 2025, ayon sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Ilocos Police Regional Office (PRO-1).

Mas mababa ito ng 29% kumpara sa 1,227 kaso noong nakaraang taon.

Ayon sa ulat, nangunguna sa mga kaso ang rape, sinundan ng karahasan, acts of lasciviousness, at paglabag sa Anti-Child Abuse Law.

Karamihan sa mga biktima ay nasa edad 12–18, kaya nakatuon ang mga kampanya ng PRO-1 sa pangkat na ito sa pamamagitan ng impormasyon tungkol sa karapatan, pang-iwas sa pang-aabuso, at self-defense.

Binanggit din ng DOJ Ilocos Region Prosecutor na nakapagsampa ng 10 kaso ng human trafficking ngayong taon, kabilang ang online sexual exploitation ng bata, at binigyang-diin ang kahalagahan ng suporta ng pamilya at gobyerno sa pagpapatuloy ng kaso at rehabilitasyon ng mga biktima.

Patuloy naman ang kampanya ng PRO-1 laban sa pang-aabuso, kabilang ang mga seminar at pagbibigay-kaalaman para sa proteksyon ng kababaihan at bata.

Facebook Comments