86th at TOG 2, Muling Nanawagan sa mga Natitirang Rebelde na Sumuko

Cauayan City, Isabela- Muling nagsanib pwersa ang 86th Infantry Battalion, Philippine Army at TOG 2 (Tactical Operations Group 2) ng Philippine Air Force (PAF) sa pagsasagawa ng leaflet dropping upang hikayatin ang mga nalalabing miyembro ng New People’s Army (NPA) na magbalik-loob na sa pamahalaan.

Nagtungo ang grupo ng 86IB at TOG2 lulan ang mga sasakyang panghimpapawid ng PAF sa mga liblib na Barangay at Sitio sa Lalawigan ng Isabela particular sa bayan ng Cabagan, San Pablo, at Tumauini.

Ito ay isang hakbang ng kasundaluhan para matulungang makaalis sa kilusan at makabalik sa gobyerno ang mga nalinlang na kasapi ng NPA.


Bukod dito, ginagawa ang paghuhulog ng mga leaflets para maghatid ng impormasyon sa mga mamamayan sa kanayunan na kung saan ay limitado ang pagpasok ng transportasyon at impormasyon sa kanilang lugar.

Layon din ng mga kasundaluhan na bigyan ng impormasyon ang mga tao sa mga nasabing lugar na huwag matakot sa panggigipit at pananakot ng mga komunistang grupo, putulin na ang pagbibigay ng mga suporta sa kanila, at huwag mag atubili na magsumbong sa mga ahensya ng gobyerno sakaling may nangyayaring karahasan sa lugar na gawa ng mga teroristang NPA.

Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng 86IB sa mga LGU’s ng nasabing mga lugar at sa mga Kapitan ng Barangay sa kanilang pakikipagtulungan upang tapusin na ang insurhensiya sa buong lalawigan ng Isabela.

Facebook Comments